1,412 BAR TAKERS, TULUYAN NANG DISQUALIFIED MATAPOS HINDI PUMASOK SA DAY 1
Aabot sa 1,412 examinees ang hindi na makapagpapatuloy sa 2026 Bar Examinations matapos hindi makadalo sa unang araw ng pagsusulit nitong Linggo, Setyembre 6.

Ayon kay Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan, chairperson ng 2026 Bar Examinations, ang mga examinee na hindi nakapag-take ng unang araw ay disqualified na sa ikalawa at ikatlong araw ng Bar Exams.
Sa press conference, sinabi ni Gaerlan na wala nang ibang pagkakataon ang mga hindi nakadalo sa Day 1 kundi ang muling pagkuha ng Bar sa susunod na taon.
“If they miss this day, the first day of the Bar examinations, they’re already disqualified from taking the exams for the second day or the third day,” ani Gaerlan.
“But they can take it next year,” dagdag niya.
Sa datos ng Supreme Court, 13,441 examinees ang na-clear at pinayagang kumuha ng 2026 Bar Exams mula sa kabuuang 14,291 registered applicants. Sa unang araw, 12,029 ang aktuwal na dumalo sa pagsusulit, habang 1,412 ang hindi nakapag-exam.
Ang bilang ng mga dumalo ngayong taon ay kumakatawan sa humigit-kumulang 89.5% ng lahat ng examinees na pinayagang kumuha ng Bar. Sa mga sumabak sa Day 1, 6,773 ang babae at 5,256 ang lalaki.
TATLONG ARAW ANG 2026 BAR EXAMS
Isinasagawa ang 2026 Bar Examinations sa loob ng tatlong araw—Setyembre 6, Setyembre 9, at Setyembre 13—sa 15 local testing centers sa buong bansa.
Sa unang araw, sinagutan ng mga examinee ang Political and Public International Law sa morning session at Commercial and Taxation Laws naman sa afternoon session.
Sa ikalawang araw, Setyembre 9, nakatakda ang Civil Law and Land Titles and Deeds, gayundin ang Labor Law and Social Legislation.
Sa huling araw, Setyembre 13, sasagutan naman ang Criminal Law and Remedial Law, Legal and Judicial Ethics, at Practical Exercises.
PINAKAMARAMING APPLICANTS
Itinuturing ding record-breaking ang bilang ng mga aplikante ngayong taon. Sa 14,291 na nagparehistro, 13,441 ang opisyal na na-clear upang kumuha ng Bar Exams.
Mas mataas ito kumpara sa 13,193 registered applicants noong 2025.
Kabilang sa mga sumabak ngayong taon ang 24-anyos na pinakabatang examinee at 84-anyos na pinakamatanda. Mayroon ding 304 persons with disabilities (PWDs) at 285 senior citizens na kumuha ng pagsusulit.
Sa kabila ng digital format ng Bar Exams, pinayagan din ng Supreme Court ang ilang examinee na kumuha ng handwritten examination dahil sa kanilang kondisyon. Kabilang dito ang isang 64-anyos na may chronic eye condition, isang 49-anyos na sumasailalim sa therapy para sa shoulder injury, at isang 69-anyos na may limitadong exposure sa computers.
Patuloy naman ang Bar Examinations ngayong Setyembre 9 bago ang huling araw ng pagsusulit sa Setyembre 13.
Para sa mga hindi nakadalo sa unang araw, malinaw ang paalala ng Bar chairperson: hindi na sila maaaring humabol sa mga susunod na araw at kailangan nang maghintay hanggang sa susunod na taon upang muling kumuha ng Bar Exam.






Comments