top of page

13 ARESTADO SA UMANONG ILEGAL NA "PAIHI" AT "PASINGAW" NG PETROLYO AT LPG SA LUCENA CITY

  • Writer: Arvin Enriquez
    Arvin Enriquez
  • Jul 28
  • 2 min read

LUCENA CITY, Quezon — Labintatlong katao ang inaresto matapos maaktuhan umanong nagsasagawa ng iligal na "paihi" at "pasingaw" ng mga produktong petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG) sa isang compound sa Barangay Silangang Mayao, Lucena City noong Lunes, Hulyo 27.



Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang operasyon ay pinangunahan ng Regional Special Operations Unit 4A (RSOU-4A) katuwang ang Regional Intelligence Division 4A, Provincial Intelligence Unit ng Quezon Police Provincial Office, at Lucena City Component Police Station, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng Police Regional Office CALABARZON (PRO-4A) laban sa oil smuggling at iba pang kaugnay na iligal na aktibidad.


Sa imbestigasyon, naaktuhan umano ang mga suspek na nagsasagawa ng "paihi," o ang paglilipat ng mga produktong petrolyo mula sa mga tanker truck patungo sa mga intermediate bulk container (IBC) plastic container, at "pasingaw," o ang paglilipat ng LPG mula sa tanker truck patungo sa mga LPG cylinder at iba pang tangke.


Nahaharap ang 13 suspek sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1865 o Oil Pilferage Law at Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act, matapos silang mahuling aktuwal umanong nagsasagawa ng naturang mga operasyon.


Nakumpiska ng mga awtoridad ang ilang tanker truck, delivery truck, IBC plastic containers, LPG cylinders, mga hose, water pump, at libu-libong litro ng diesel at LPG. Tinatayang umaabot sa mahigit ₱16.28 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan at produktong petrolyo.


Dinala ang mga naarestong indibidwal sa Lucena City Component Police Station para sa dokumentasyon at inquest proceedings.


Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng lawak ng umano'y ilegal na operasyon at kung may iba pang indibidwal o grupo na sangkot sa naturang aktibidad.

Comments


bottom of page