18-ANYOS NA BEAUTY QUEEN, PUMANAW MATAPOS MAGTAMO NG MATINDING PASO DAHIL SA UMANO'Y KEMIKAL NA BASURA
- Arvin Enriquez
- Jul 10
- 1 min read
Pumanaw na ang 18-anyos na beauty queen na si Aira Miguel ng San Rafael, Tarlac City matapos ang halos tatlong buwang pakikipaglaban sa matinding pinsalang dulot ng umano'y pagkakalantad sa kemikal na basura.

Binawian ng buhay si Miguel noong Miyerkules, Hulyo 8, habang ginagamot sa ospital dahil sa mga sugat na tinamo mula sa insidenteng naganap noong Abril 9 sa pagitan ng Barangay Balete at Barangay Lourdes.
Batay sa mga paunang ulat, aksidenteng naapakan ng biktima ang isang nakatiwangwang na tambak ng hindi pa natutukoy na kemikal na basura. Dahil dito, dumanas siya ng matinding paso sa isa niyang kamay at paa na naging sanhi ng kanyang matagal na pagkakaospital.
Ayon sa mga ulat ng Philippine National Police (PNP) at mga awtorisadong opisyal ng Barangay Balete at Barangay Lourdes, wala umanong sapat na babala, harang, o iba pang safety measures sa lugar upang maiwasan ang paglapit ng publiko sa mapanganib na kemikal.
Naging kilala si Miguel bilang aktibong kalahok sa mga lokal na beauty pageant sa Tarlac. Matapos ang kanyang pagpanaw, nananawagan ang kanyang pamilya ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga dapat managot sa insidente at matiyak na hindi na ito maulit sa iba.
Nakikiisa rin ang grupong Kaisa San Rafael sa panawagan para sa hustisya para kay Miguel.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya upang matukoy ang pinagmulan ng naturang kemikal at kung may pananagutan ang sinumang indibidwal o establisimyento sa insidente.






Comments