
“25 Taong Naghulog, Wala Umanong Nakuha”: Biyuda Hinamon ang PhilHealth Matapos Mamatay ang Asawa
- Justine Astodillo

- 5 days ago
- 2 min read
Isang biyuda ang nananawagan ng reporma sa PhilHealth matapos umanong hindi nila magamit ang benepisyong matagal na pinagbayaran ng kanyang asawa na pumanaw habang naghihintay ng life-saving surgery para sa brain hematoma.
Sa viral na social media post, ikinuwento ni Maria Lourdes Sulit na dinala ang kanyang asawang si Marvin sa ospital matapos itong ma-diagnose na may brain hematoma. Ayon sa kanya, una silang sinabihan na aabot umano sa humigit-kumulang ₱4 milyon ang kinakailangang gastusin para sa operasyon sa Manila Doctors Hospital.

Dahil hindi nila kayang sagutin ang naturang halaga, sinabi ni Sulit na pinayuhan sila ng attending neurosurgeon na ilipat si Marvin sa UERM Memorial Medical Center, kung saan maaari umanong mabawasan ng halos ₱2 milyon ang kabuuang gastos. Gayunman, bago umano matuloy ang paglipat, kinakailangan pa rin nilang magbigay ng ₱1 milyong deposito para sa admission.
Aniya, bilang isang ordinaryong pamilyang nabubuhay lamang sa araw-araw na kita, hindi nila agad naihanda ang nasabing halaga. Dahil dito, hindi umano natuloy ang operasyon na maaaring makatulong sa kanyang asawa.
Pumanaw si Marvin dakong 12:29 ng madaling araw noong Hunyo 4.
Mas lalo umanong nadagdagan ang kanilang pasanin nang malaman niyang umabot na sa halos ₱200,000 ang hospital bill sa loob lamang ng wala pang 24 oras na pagkaka-confine ng kanyang asawa. Nang lumapit siya sa PhilHealth para sa posibleng tulong pinansyal, sinabi umano sa kanya na hindi kwalipikado ang kanyang asawa sa ilang benepisyo dahil wala pa itong 24 oras na naka-confine bago pumanaw.
“Mahigit 25 taon siyang naghulog sa PhilHealth. Nang dumating ang oras na kailangan namin ito, wala kaming nakuha,” ani Sulit.
Kinuwestiyon ng biyuda ang polisiya at nanawagang repasuhin ito upang matiyak na ang mga miyembrong matagal nang naghuhulog ng kontribusyon ay hindi maiiwang walang tulong sa oras ng matinding pangangailangan.
Samantala, naglabas ng pahayag ang PhilHealth at sinabing agad itong nakipag-ugnayan sa pamilya at kasalukuyang sinusuri ang mga pangyayari kaugnay ng kaso. Patuloy namang umani ng simpatiya mula sa publiko ang kwento ng pamilya habang lumalakas ang panawagan para sa mas makatao at mas accessible na healthcare assistance para sa mga Pilipino.



Comments