top of page
4.png

49 PNPA KADETE, SINIBAK AT KINASUHAN SA BRUTAL NA HAZING SA ACADEMY

  • Writer: Steven Paris
    Steven Paris
  • May 10
  • 2 min read

Pinatalsik at sinampahan ng kaso ang kabuuang 49 kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) matapos masangkot sa hazing incident na nagdulot ng paso at sugat sa 22 fourth class cadets sa loob ng kampo sa Silang, Cavite.




Sa forum ng Kapihan ng Samahang Plaridel nitong Biyernes, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na pito sa mga kadete ang kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018, isang non-bailable offense, habang 42 iba pa ang tuluyang tinanggal sa akademya dahil umano sa hindi pag-uulat sa naganap na pananakit.


Ayon kay Remulla, kabilang sa mga pinatawan ng dismissal ang mga kadeteng umano’y naroroon habang nagaganap ang hazing ngunit hindi kumilos upang pigilan o isumbong ito sa mga awtoridad.

“‘Yung 42 kasi na present sa kuwarto habang ginagawa ‘yung karumal-dumal na bagay ay nanood lang sila, tumahimik lang sila, nagtulog-tulugan lang sila,” ani Remulla.

Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente noong Biyernes Santo, Abril 3, matapos parusahan ang mga plebo kaugnay ng isang internal na usapin sa loob ng akademya.


Nagtamo ng mga paso at iba pang sugat ang mga biktima matapos silang mabuhusan ng halo ng drain cleaner at muriatic acid, ayon sa Philippine National Police.


Lumabas din sa imbestigasyon na nag-ugat umano ang insidente sa disciplinary issue na may kaugnayan sa isang kadeteng nagpaplanong magbitiw sa akademya na sinisi ang ilang underclassmen.


Agad din namang tinggal sa puwesto si dating PNPA director Andre Dizon kasama ang walong iba pang opisyal habang nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon sa loob ng akademya.


Samantala, nadiskubre rin ng mga awtoridad ang isa pang hiwalay na hazing incident noong Abril 19 matapos magtamo ng mga pasa sa paa ang dalawang kadete na pinalo ng upperclassmen.


Nasa kustodiya na ang dalawang kadeteng sangkot habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibilidad ng iba pang kahalintulad na insidente sa loob ng PNPA.


Kasunod nito, nangako ang Department of the Interior and Local Government ng mas mahigpit na reporma at pagbabantay sa loob ng akademya upang matuldukan ang kultura ng hazing at pananahimik sa hanay ng mga kadete.

Comments


bottom of page