top of page
4.png

74-ANYOS NA BABAE, BANGKAY NA NG MADATNAN SA BOKOD, BENGUET

  • Writer: Steven Paris
    Steven Paris
  • May 4
  • 2 min read

Natagpuan ng mga pulis ang bangkay ng isang 74-anyos na babae na nakabaon sa lupa, kung saan nakausli ang bahagi ng kanyang katawan, sa isang liblib na lugar sa Barangay Daklan, Bokod, Benguet.


Agad na nadakip ang itinuturong suspek, ang 34-anyos na anak ng biktima, na posibleng humarap sa kasong parricide.


Ayon sa ulat ng lokal na pamahalaan, agad na nirespondehan ng mga awtoridad ang insidente matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente hinggil sa kahina-hinalang kilos sa lugar.


Sa isinagawang operasyon ng pulisya kasama ang Scene of the Crime Operatives (SOCO), natuklasan ang bangkay ng biktima na inilibing sa mababaw na hukay.


Batay sa paunang imbestigasyon, napansin umano ng isang residente ang suspek na tila naghuhukay bandang hapon, makalipas ang ilang oras, nakumpirma ang insidente matapos makita ng mga kaanak ng saksi ang nakausling bahagi ng katawan ng biktima, dahilan upang agad itong iulat sa mga awtoridad.


Ayon kay Bokod Municipal Mayor Erik Donn Ignacio, posibleng dalawa hanggang tatlong araw nang patay ang biktima bago ito nadiskubre dahil sa mga palatandaan ng pagkabulok ng katawan.


“Rumesponde ang ating mga pulis kasama ang SOCO at doon ay na-recover ang bangkay sa isang shallow grave sa loob ng residential area,” ani Ignacio.

Dagdag pa ng alkalde, hindi pa natatapos ang proseso ng pagre-recover ng labi nang unang operasyon, at kalaunan, narekober din ang ulo ng biktima sa kalapit na lugar na may daluyan o hukay.


Sa hiwalay na impormasyon mula sa pulisya, lumalabas na posibleng itak o katulad na uri ng matalim na bagay ang ginamit sa krimen, batay sa mga sugat na nakita sa katawan ng biktima.


Ayon pa kay Ignacio, ang suspek ay may kasaysayan ng mental health treatment noong 2014 at umano’y tumigil sa pag-inom ng gamot kamakailan.


“May history siya ng treatment sa mental health facility at may indikasyon na tumigil siya sa pag-inom ng maintenance medication,” dagdag ng opisyal.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng kaso at karagdagang pagsusuri kung kaya nitong humarap sa paglilitis.


Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko na umiwas sa pagkalat ng hindi beripikadong impormasyon at igalang ang pamilya ng biktima.


“Humihiling kami ng respeto at panalangin para sa pamilya ng biktima sa gitna ng napakahirap na sitwasyong ito,” pahayag pa ng alkalde.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pangyayari at motibo sa insidente.

Comments


bottom of page