AHJAY PAWS OWNER, ITINANGGI ANG PANANAGUTAN SA 29 ITINAPONG LABI NG MGA HAYOP SA BULACAN
Itinanggi ni Jonathan Legaspi, may-ari ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium, ang pananagutan ng kanilang establisimyento sa pagkakatuklas ng mga labi ng 26 na aso at tatlong pusa na itinapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Naganap ang pagtanggi ni Legaspi sa pakikipagpulong sa mahigit 30 fur parent sa Bacoor City, Cavite noong Oktubre 31, matapos matukoy ng ilang pamilya na kabilang sa mga natagpuang labi ang kanilang mga alagang hayop na ipinagkatiwala sa naturang cremation service.
Ayon sa mga ulat, nag-alok umano ang may-ari ng refund sa mga kliyenteng gumamit ng kanilang serbisyo nitong Oktubre. Gayunman, ikinadismaya ng ilang fur parent ang umano'y kawalan ng paghingi ng paumanhin at malinaw na paliwanag tungkol sa sinapit ng kanilang mga alaga.
Ipinunto rin umano ni Legaspi na wala silang pananagutan dahil walang CCTV footage o name tag na direktang mag-uugnay sa mga natagpuang labi sa kanilang establisimyento.
Samantala, sinabi ni Bacoor Mayor Strike Revilla na hindi nakapagpakita ang crematorium ng sapat na dokumentasyon o ebidensiyang nagpapatunay na aktuwal na isinagawa ang cremation ng mga ipinagkatiwalang alagang hayop. Hindi rin umano matiyak ng may-ari kung ang mga abong ibinalik sa mga kliyente ay tunay na nagmula sa kani-kanilang alaga.
Kabilang sa mga nakilalang labi ang aso na si Ivy, na pumanaw noong Oktubre 23 at ipinagkatiwala umano sa Ahjay Paws Aftercare para sa cremation. Kinilala rin ng kani-kanilang pamilya ang mga labi ng dalawa pang aso na sina Caesar at Milo.
Dahil sa mga reklamong natanggap, iniutos ni Revilla ang pagpapasara sa Ahjay Paws Aftercare noong Oktubre 31 at inatasan ang kapulisan na imbestigahan ang insidente at alamin kung sino ang dapat managot.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung paano napunta sa bakanteng lote sa Bulacan ang mga labi ng mga hayop at kung may paglabag o pananagutang kriminal ang mga taong sangkot.






Comments