top of page
4.png

AKBAYAN SOLON NAG-JETSKI SA WPS, BANDILA NG PILIPINAS ITINANIM SA PAG-ASA CAY 2

  • Writer: The LOStories Writing Team
    The LOStories Writing Team
  • May 3
  • 2 min read

Nagsagawa ng matapang na aksyon si Dadah Kiram Ismula, isang kongresista ng Akbayan party-list, matapos pangunahan ang kauna-unahang jetski flag ride patungong Pag-asa Cay 2 upang itanim ang watawat ng Pilipinas, sa gitna ng presensya ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.



Bahagi ang hakbang ng “Atin Ito” civilian mission, na layong igiit ang soberanya ng bansa sa pinagtatalunang karagatan sa pamamagitan ng mapayapang civilian-led initiatives. Matagumpay nilang naisagawa ang aktibidad bilang simbolikong pahayag ng karapatan ng Pilipinas sa teritoryo.



Nauna rito, alas-5:40 ng umaga nang magsagawa ng dawn voyage ang maliit na grupo mula sa Pag-asa Island sakay ng rubber boat patungong cay, kung saan matagumpay nilang naitaas ang bandila kahit pa may mabigat na presensya ng mga Chinese vessels na nagbabantay sa karatig na karagatan.



“Matagumpay po nating naitaas ang ating bandila sa Pag-asa Cay 2 sa kabila ng mabigat na presensiya ng Tsina,” ani Ismula, na naglarawan sa aksyon bilang mapayapa ngunit matatag na paninindigan laban sa patuloy na paglabag sa karapatan ng bansa.


Ang misyon ay bahagi ng ika-apat na civilian mission ng Atin Ito na tumatakbo mula Abril 30 hanggang Mayo 5, 2026, na kinabibilangan ng fuel at food supply delivery, medical outreach, cultural activities, at island engagements para sa komunidad sa Pag-asa.



Matatagpuan ang Pag-asa Cay 2 malapit sa Pag-asa Island, isa sa mga pangunahing outpost ng Pilipinas sa Spratly Islands kung saan may sibilyang komunidad at presensya ng militar.



Ang West Philippine Sea ay bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea. Noong 2016, kinatigan ng Permanent Court of Arbitration ang Pilipinas at pinawalang-bisa ang “nine-dash line” claim ng China. Gayunpaman, patuloy ang presensya ng mga Chinese vessels sa loob ng EEZ ng bansa, na nagdudulot ng tensyon at mga insidente ng pagharang sa mga barko ng Pilipinas, lalo na sa Ayungin Shoal.

Comments


bottom of page