top of page

APAT NA MIYEMBRO NG PAMILYA, NASAWI SA PANANAKSAK SA JOSEFINA, ZAMBOANGA DEL SUR

  • Writer: Arvin Enriquez
    Arvin Enriquez
  • Jun 30
  • 1 min read

Patay ang isang ina at tatlo nitong anak matapos matagpuang walang buhay sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Litapan, Josefina, Zamboanga del Sur, nitong umaga ng Hunyo 29.



Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Arlene Fernan Dumalte, 42, isang Barangay Health Worker, at ang kanyang tatlong anak na sina Nacel Dumalte, 14; En-En Dumalte, 13; at Arnel Dumalte, 12. Ayon sa paunang imbestigasyon, nagtamo ang mga biktima ng maraming saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.


Natuklasan ang insidente bandang alas-7:00 ng umaga nang matagpuan ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay. Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.


Sa panayam ng media sa Josefina Municipal Police Station, sinabi ng acting chief of police na posibleng maharap ang suspek sa apat na bilang ng kasong murder kapag nakalap na ang sapat na ebidensya laban dito. Patuloy rin ang follow-up operations at case build-up upang mapabilis ang pagkilala at pagdakip sa responsable sa krimen.


Samantala, nananawagan ng hustisya ang mga kaanak ng mga biktima. Ayon sa ulat, nasa Maynila pa ang ama ng mga bata nang mangyari ang insidente at agad na umuwi sa lalawigan matapos mabalitaan ang sinapit ng kanyang pamilya.


Hinihikayat naman ng pulisya ang sinumang may mahalagang impormasyon kaugnay ng krimen na makipag-ugnayan sa Josefina Municipal Police Station upang makatulong sa agarang paglutas ng kaso at pagbibigay ng hustisya sa mga biktima.


Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Comments


bottom of page