BAGO ANG SONA 2026: MGA GURO, NAG-ALSA PARA SA DAGDAG-SAHOD AT REPORMA SA EDUKASYON
Ilang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) 2026, nagsagawa ng sabayang Black Friday Protest ang mga guro mula sa Manila Public School Teachers Association (MPSTA), Quezon City Public School Teachers Association (QCPSTA), at ACT-NCR Union ngayong Biyernes, Hulyo 24.

Sa magkakahiwalay na pagkilos, bitbit ng mga guro ang mga plakard na nananawagan ng makabuluhang dagdag-sahod, mas malaking pondo para sa pampublikong edukasyon, mas maayos na kondisyon sa pagtuturo, at mga repormang anila'y kinakailangan upang matugunan ang lumalalang suliranin sa sektor ng edukasyon. Ayon sa mga organisador, layunin ng kilos-protesta na mailapit sa pamahalaan ang mga isyung matagal nang kinakaharap ng mga guro bago ihayag ng Pangulo ang kanyang SONA.
Kabilang sa mga pangunahing panawagan ng mga guro ang pagtataas ng sahod, pagbawas sa labis na administrative workload, pagdaragdag ng suporta at pasilidad sa mga pampublikong paaralan, at pagpapatupad ng mga polisiyang magpapahusay sa kalidad ng edukasyon. Iginiit din ng mga grupo na ang mga hamong kinahaharap ng sektor ay nangangailangan ng pangmatagalang solusyon at sapat na pamumuhunan mula sa pamahalaan.
Ang Black Friday Protest ay bahagi ng serye ng mga pagkilos ng mga organisasyon ng mga guro upang iparating ang kanilang mga hinaing at panawagan sa pamahalaan. Inaasahan nilang mabibigyang-pansin ang mga isyung ito sa nalalapit na State of the Nation Address, kung saan inaasahang tatalakayin ng administrasyon ang mga prayoridad nito para sa bansa, kabilang ang sektor ng edukasyon.






Comments