top of page

BAYAMBANG COUNCILOR "BOYING KULAS" JUNIO, NASAWI SA AKSIDENTE SA SAN CARLOS CITY

Writer: Arvin Enriquez
Arvin Enriquez
Jul 3
1 min read

SAN CARLOS CITY, Pangasinan — Nasawi si Bayambang Councilor Jan Nazer David "Boying Kulas" Junio matapos ang isang vehicular accident sa San Carlos City, Pangasinan, noong gabi ng Huwebes, Hulyo 2.



Kinumpirma ni San Carlos Chief of Police PLTCOL Lawrence Keith Calub ang pagkamatay ni Junio sa isang panayam sa Aksyon Radyo Pangasinan.


Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang aksidente bandang alas-11:00 ng gabi sa provincial road sa Barangay Turac. Ayon sa mga awtoridad, patimog ang direksyon ng konsehal at posibleng pauwi na sa Bayambang nang mangyari ang insidente.


Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na isang self-accident ang naganap. Nakakita umano ang mga imbestigador ng skid marks sa bahaging malapit sa tulay na nabangga ng sasakyan. Matinding napinsala ang itim na Toyota Avanza na minamaneho ni Junio, habang nagtamo siya ng malulubhang pinsala sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.


Agad siyang isinugod sa Pangasinan Provincial Hospital (PPH) bago inilipat sa Region 1 Medical Center (R1MC) dahil sa kritikal niyang kondisyon. Gayunman, idineklarang nasawi si Junio habang ginagamot.


Kasalukuyang isinasaayos ang pag-uuwi ng kanyang mga labi sa bayan ng Bayambang.


Samantala, nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang sa pamilya at mga naulila ni Junio. Kinilala rin ng lokal na pamahalaan ang kanyang dedikasyon sa serbisyo publiko bilang Presiding Officer Pro Tempore ng Sangguniang Bayan at Chairman ng Committee on Education.


Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng aksidente.

Comments


bottom of page