CRIMINOLOGY STUDENT, PATAY MATAPOS MALUNOD SA BUKAL NG CABADBARAN CITY
- Steven Paris

- May 5
- 1 min read
Patay ang isang 22-anyos na estudyante ng Criminology matapos malunod sa isang malamig na bukal sa Cabadbaran City nitong Sabado ng hapon, Mayo 2.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Kyle,” residente ng Barangay Ampayon.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagtungo ang biktima sa Sitio Lusong kasama ang kanyang nobya at kapatid nito upang maligo sa malamig na bukal.
Sa kalagitnaan ng pagligo, napunta umano ang biktima sa mas malalim na bahagi ng tubig at hindi na muling nakaahon.
Agad na humingi ng tulong ang kanyang nobya sa mga taong naroon na nagresulta sa pagresponde ng Cabadbaran City Emergency Response Team para sa search and retrieval operation.
Matapos ang ilang oras na paghahanap, narekober ang bangkay ng biktima sa ilalim ng tubig.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng hindi batid ng biktima ang lalim ng naturang bahagi ng bukal.
Nag-iwan ng matinding dalamhati ang insidente sa pamilya ng biktima, habang ibinahagi ng ina ng biktima sa social media ang huling larawan ng kanyang anak bago ang insidente bilang pamamaalam.
Kasalukuyang nakaburol ang labi ng biktima habang patuloy ang pakikiramay ng mga kaanak at kaibigan.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat sa paglangoy sa mga natural na anyong-tubig tulad ng mga bukal at ilog.



Comments