top of page
4.png

DEMOLISYON SA MANILA BAY RECLAMATION, TINUTULAN NG MGA MANGINGISDA

  • Writer: Steven Paris
    Steven Paris
  • May 5
  • 2 min read

Nagsama-sama sa kilos-protesta ang mga miyembro ng PAMALAKAYA, mga mangingisda, at mamamayang naninirahan sa baybay-dagat ng Bacoor City para tutulan ang nakaambang demolisyon ng mahigit 100 kabahayan sa Barangay Talaba II kaugnay ng reclamation project sa Manila Bay, isang isyung matagal nang pinagtatalunan dahil sa epekto nito sa kabuhayan at kalikasan.



Ayon sa mga mangingisda, apektado ng 420-ektaryang reclamation project na inuugnay sa Frabelle Fishing Corporation, na pagmamay-ari ni Francis Tiu Laurel Jr. Ito ay pinaniniwalaang makakaapekto sa ecosystem na pinagmumulan ng kanilang hanapbuhay.


Ikinababahala din ng mga residente na mailalayo sila sa dagat na pangunahing pinanggagalingan ng kanilang kabuhayan at pagkain, na posibleng magdulot ng pagkawala ng katatagan sa kanilang pamumuhay.


“Hindi makatwirang alisin ang mga mangingisda sa baybayin at ilipat sa lugar na malayo sa dagat at walang kabuhayan. Nakakalungkot na sa gitna pa ng krisis itataon ang pagpapaalis sa amin sa komunidad,” pahayag ni Arni Villalon ng PAMALAKAYA-Bacoor.

Giit ng grupo, nananatiling dapat suspendido ang mga reclamation project sa Manila Bay mula noong 2023 batay sa umiiral na mga patakaran at pag-aaral kaugnay ng epekto nito sa baha, marine habitat, at coastal livelihood.


Binabatikos at mariining tinanggihan ng mga fisherfolk ang patuloy na paglawak ng reclamation sa Manila Bay na sinasabing nagdudulot ng pagkipot ng pangingisdaan, pagkawala ng natural na proteksiyon laban sa storm surge, at pagbawas ng huli ng isda.


Nanindigan ang mga residente na hindi lang bahay ang kanilang ipinaglalaban kundi ang karapatang manatili sa baybaying komunidad na matagal nang bahagi ng kanilang identidad at kabuhayan.


Sa kabila ng banta ng demolisyon, iginiit din na mananatili silang nakabantay at handang ipagtanggol ang kanilang lugar laban sa mga proyektong pinaniniwalaan nilang magpapalawak ng panganib sa kalikasan at kabuhayan sa Manila Bay.

Comments


bottom of page