FACE MASKS HINIHIKAYAT MULI SA BAGUIO HALL OF JUSTICE MATAPOS ANG NAIULAT NA COVID-19 CASE
- Arvin Enriquez
- Jul 9
- 1 min read
BAGUIO CITY — Nagpalabas ng joint memorandum ang mga Executive Judge ng Regional Trial Court (RTC) at Municipal Trial Courts in Cities (MTCC) sa Baguio City na naghihikayat sa muling pagsusuot ng face mask sa loob ng Hall of Justice Main at Hall of Justice CA Annex bilang bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19.

Nilagdaan nina RTC Executive Judge Michael V. Francisco at MTCC Executive Judge Jeanylene T. Isip-Fukai ang memorandum na may petsang Hulyo 8, 2026. Ayon sa advisory, hinihikayat ang lahat ng hukom, kawani ng korte, abogado, litigants, at iba pang court users na magsuot ng face mask habang nasa loob ng dalawang gusali ng Hall of Justice.
Ipinaliwanag sa memorandum na ipinatupad ang hakbang kasunod ng naiulat na positibong kaso ng COVID-19 na kinasasangkutan ng isang empleyado ng korte sa Baguio City, gayundin ng pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Layunin ng advisory na mabawasan ang panganib ng pagkalat ng virus at maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga empleyado ng hudikatura, mga legal practitioner, at ng publiko na may transaksyon sa korte.
Bagama't hindi ginawang mandatoryo ang pagsusuot ng face mask, hinihikayat ang lahat ng papasok sa Hall of Justice Main at Hall of Justice CA Annex na makiisa sa ipinatutupad na precautionary measure bilang pag-iingat laban sa COVID-19.
Naging epektibo ang naturang memorandum noong Hulyo 8, 2026 at mananatiling bahagi ng mga health precaution na ipatutupad sa loob ng mga pasilidad ng korte hanggang sa magpalabas ng panibagong abiso ang pamunuan.






Comments