top of page

FILIPINO-AMERICAN, POSIBLENG MAHARAP SA DEATH PENALTY SA FLORIDA DAHIL SA 47 FELONY CHARGES

Writer: Arvin Enriquez
Arvin Enriquez
Jul 25
1 min read

Posibleng maharap sa pinakamabigat na parusa ang isang Filipino-American sa Florida matapos magsumite ang mga prosecutor ng pormal na abiso na hihilingin nila ang death penalty sakaling mapatunayang nagkasala ang akusado sa kinahaharap nitong mga kaso.



Kinilala ang akusado na si Schubert Navarroza Macarat, 41, na nahaharap sa 47 felony charges, kabilang ang umano'y sexual battery laban sa batang wala pang 12 taong gulang at pagmamay-ari ng child sexual abuse material (CSAM).


Batay sa mga dokumento ng korte, pinaniniwalaang ilang taon umanong nagpatuloy ang pang-aabuso. Sa isinagawang imbestigasyon, nakumpiska rin umano ng mga awtoridad ang libo-libong digital files, kabilang ang daan-daang materyales na may kaugnayan sa child sexual abuse.


Sa ilalim ng batas ng Florida, maaaring hilingin ng prosekusyon ang death penalty sa ilang partikular na kaso, kabilang ang mabibigat na krimeng may kinalaman sa pang-aabuso sa mga bata, depende sa magiging takbo ng paglilitis at pasya ng korte.


Kasalukuyang nakakulong si Macarat habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kanyang kaso. Nilinaw ng mga awtoridad na ang paghahain ng notice upang hilingin ang death penalty ay hindi pa nangangahulugang ito na ang magiging hatol, kundi pormal lamang na pagpapahayag ng prosekusyon ng kanilang intensiyong hilingin ang pinakamataas na kaparusahan kung mapatutunayang guilty ang akusado.


Patuloy na dinidinig ng korte ang kaso, at tulad ng itinatadhana ng batas, itinuturing na inosente ang akusado hangga't hindi pa napapatunayang nagkasala sa pamamagitan ng pinal na desisyon ng hukuman.

Comments


bottom of page