top of page

FO3, TIMBOG SA UMANO'Y ₱150K ILLEGAL RECRUITMENT SCAM SA BFP

  • Writer: Arvin Enriquez
    Arvin Enriquez
  • 1 day ago
  • 2 min read

Arestado ang isang Fire Officer 3 (FO3) ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos umanong manghingi ng ₱150,000 kapalit ng pangakong makapasok sa serbisyo ng BFP, ayon sa mga awtoridad.



Nahuli ang 36-anyos na suspek sa isinagawang entrapment operation noong Agosto 5 sa Dagupan City sa pinagsamang operasyon ng BFP Region 1 at Philippine National Police (PNP).


Batay sa ulat, nagsimula ang operasyon matapos magsumbong sa pulisya ang isang 25-anyos na aplikante, na nagsabing hinihingan siya ng suspek ng ₱150,000 kapalit ng umano'y pagtiyak ng kanyang pagkakatanggap sa BFP.


Sa entrapment operation, iniabot ng biktima ang marked money sa loob ng isang sasakyan. Gayunman, napansin umano ng suspek ang paglapit ng mga operatiba kaya agad itong tumakas. Matapos ang maikling habulan, naaresto rin siya ng mga awtoridad. Patuloy namang hinahanap ng mga imbestigador ang marked money na pinaniniwalaang naitapon habang tumatakas ang suspek.


Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP ang suspek at sasailalim sa inquest proceedings kaugnay ng kasong illegal recruitment at iba pang posibleng paglabag.


Ayon sa BFP, dati na ring nasuspinde ang suspek sa hiwalay na administratibong kaso na may kaugnayan din sa kaparehong alegasyon. Sa naunang insidente, naibalik umano nito ang perang tinanggap kaya hindi naituloy ang entrapment operation noong panahong iyon.


Sa isang pahayag, sinabi ni BFP Officer-in-Charge Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil A. Kwan Tiu na hindi kukunsintihin ng ahensya ang anumang uri ng katiwalian sa hanay nito.


"We do not tolerate corruption in our ranks. We are closely working with the police to ensure anyone exploiting applicants will face the law. We will hold our personnel accountable for their actions," ani Kwan Tiu.


Binigyang-diin din ng BFP na ang pagpasok sa serbisyo ay walang bayad at nakabatay lamang sa merit, kwalipikasyon, at pisikal na kahandaan ng mga aplikante.


Sa ilalim ng Oplan Santindig, patuloy na isinusulong ng BFP ang kampanya laban sa extortion at iba pang iregularidad sa recruitment, promotions, at transfers. Hinikayat din nito ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang transaksyon o paniningil na may kaugnayan sa pag-aaplay sa ahensya.

Comments


bottom of page