top of page
4.png

FRANCIS PANGILINAN HINAMON SI ROBIN PADILLA SA ETHICS COMPLAINT, MAGHAHAIN DIN NG KONTRA-REKLAMO

  • Writer:  Arvin Enriquez
    Arvin Enriquez
  • May 13
  • 2 min read

Hinamon ni Senador Francis Pangilinan si Senador Robin Padilla kaugnay ng planong paghahain nito ng ethics complaint matapos ang mainit nilang palitan ng argumento sa plenaryo ng Senado.



Sa inilabas na pahayag nitong Martes, sinabi ni Pangilinan na wala umanong sapat na basehan ang reklamong nais ihain ni Padilla at pinayuhan pa itong huwag maging “balat sibuyas.”


“Sa tagal ko dito sa Senado at sa dami ng sigawan o pagtataas ng boses na nangyari na rito, ngayon lang siguro magkaka-ethics case na ganito,” ani Pangilinan.


Ayon kay Pangilinan, hindi na bago sa Senado ang maiinit na debate at pagtataas ng boses lalo na sa mga sensitibo at matitinding usapin sa plenaryo.


“‘Yung pagtataas ng boses sa mainit na debate ay hindi man kagustuhan ay hindi naiiwasan at nangyayari sa plenaryo. Kung laban sa ethics yun, marami na sanang mga senador ang sinampahan at pinarusahan,” dagdag niya.


Iginiit din ng senador na kung itutuloy ni Padilla ang reklamo, magsasampa rin siya ng kontra-reklamo dahil umano sa pagbabanta, pananakot, at kawalan ng proper decorum habang naka-recess ang sesyon.


“Hindi uubra ang pam-bu-bully at pa siga-siga sa akin. Mas may basehang kasuhan yang pasiga-siga at kawalan ng proper decorum sa kapwa senador sa Senado,” saad ni Pangilinan.


Binigyang-diin niya na walang lugar sa Senado ang pambubully at pananakot, at mahalagang mapanatili ang respeto sa pagitan ng mga mambabatas kahit magkakaiba ang kanilang paninindigan.


Sa kabila nito, nilinaw ni Pangilinan na hindi niya nais ang gulo ngunit handa siyang harapin ang anumang reklamong ihahain laban sa kanya.


“Ayaw ko ng away. Hindi ako palaaway pero hindi ko siya aatrasan kung gusto niya ng kasuhan,” aniya.


Nag-ugat ang tensyon matapos ang mainit na palitan ng argumento sa plenaryo na nauwi umano sa sigawan, dahilan upang ikonsidera ni Padilla ang paghahain ng ethics complaint laban kay Pangilinan. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Senado hinggil sa insidente.

Comments


bottom of page