KAKAIBANG AMOY SA TREN SA JAPAN, TATLO ISINUGOD SA HOSPITAL
- Arvin Enriquez

- May 11
- 1 min read
Tatlong miyembro ng isang pamilya ang isinugod sa ospital matapos makaranas ng iritasyon sa lalamunan dahil sa umano’y kakaibang amoy na namataan sa loob ng isang tren ng JR Tokaido Line malapit sa Tokyo noong Linggo.

Ayon sa ulat ng pulisya, kabilang sa dinala sa ospital ang isang 35-anyos na babae, ang kanyang asawa, at kanilang isang taong gulang na anak. Bagama’t nakaranas ng pananakit at iritasyon sa lalamunan ang ina, sinabi ng mga awtoridad na wala naman silang tinamong malubhang pinsala.
Ilang pasahero rin sa parehong bagon ang nakapansin ng hindi pangkaraniwang amoy, dahilan upang magkaroon ng pangamba sa posibleng pag-spray ng isang kemikal o mapanganib na sangkap. Gayunman, sinabi ng pulisya na hindi pa malinaw kung may aktwal na insidenteng naganap.
Agad na huminto ang tren sa Kawasaki Station sa Kanagawa Prefecture upang siyasatin ng mga bumbero at emergency responders ang lugar. Sa isinagawang inspeksyon, wala namang natukoy na mapanganib na gas o kemikal sa tren.
Ang naturang tren ay bumiyahe mula Odawara sa Kanagawa Prefecture patungong Takasaki sa Gunma Prefecture. Naitala ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon habang bumibiyahe ito sa pagitan ng Yokohama at Kawasaki stations.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng kakaibang amoy at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.



Comments