MAGSASAKA, MANGINGISDA, TINULIGSA ANG PAGTANGGI SA PEACE TALKS
- Steven Paris

- May 4
- 2 min read
Mariing kinondena ng mga organisasyon ng magsasaka at mangingisda ang pagtanggi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. na muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines, na itinuturing nilang palatandaan ng kakulangan ng seryosong hakbang tungo sa pangmatagalang kaayusan.

Iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na malayo sa aktuwal na kalagayan ng mga Pilipino ang pahayag na maayos ang sitwasyon ng bansa, dahil patuloy na nakararanas ang mga magsasaka ng kawalan ng lupa, kahirapan, at limitadong oportunidad sa kabuhayan.
Binigyang-diin ng grupo na hindi matatamo ang kapayapaan kung nananatili ang malawak na agwat sa lipunan.
“There can be no real peace amid a deepening socio-economic crisis, while farmers and rural communities live under a de facto Martial Law in the countryside,” pahayag ng KMP.
Dagdag ng kilusan, ang insidente sa Toboso, Negros Occidental kung saan 19 katao ang nasawi, nagsisilbing patunay ng patuloy na tensyon sa kanayunan sa kabila ng umiiral na mga kampanya kontra-insurhensiya.
Sa hiwalay na pahayag, iginiit ng PAMALAKAYA na mahalaga ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan upang matugunan ang ugat ng armadong tunggalian tulad ng kawalan ng lupa, kahirapan, at kakulangan sa serbisyo.
Ayon kay Fernando Hicap, naapektuhan ang kabuhayan ng mga residente tuwing may operasyong militar dahil sa mga restriksiyon sa pagpasok sa sakahan at pangingisda.
“Every time there’s a military operation, farmers and rural sectors are being prevented from going to their farmlands, a curfew is imposed, and residents are evacuated,” ani Hicap.
Nanawagan ang mga grupo sa muling pagbubukas ng negosasyon bilang daan sa mas malawak na reporma at mas inklusibong pag-unlad sa mga komunidad sa kanayunan.
Anila na makakamit ang tunay na progreso sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagtugon sa sosyo-ekonomikong ugat ng tunggalian at pagsusulong ng makabuluhang reporma sa bansa.



Comments