top of page
4.png

MAGSASAKA SA BUKIDNON, PATAY SA KAGAT NG COBRA

  • Writer: The LOStories Writing Team
    The LOStories Writing Team
  • May 1
  • 1 min read

Isang tahimik na paglalakbay sa sapa ang nauwi sa trahedya matapos matagpuang patay ang isang magsasaka sa Sitio Imbatug, Barangay Kalabugao, Impasugong, Bukidnon, dahil sa kagat ng makamandag na ahas.



Ayon sa Impasugong Municipal Police Station, umalis ang biktima noong Abril 27, bandang 6:00 ng umaga upang tingnan ang kanyang bamboo fish trap sa kalapit na sapa, ngunit hindi na ito nakauwi at kalaunan ay natagpuang nakahandusay, wala ng buhay.


Natuklasan ang kanyang bangkay kinabukasan na may malinaw na marka ng kagat sa kaliwang paa at mga galos sa braso, na indikasyong nagkaroon pa umano ng huling paglalaban o pag-iwas sa panganib bago tuluyang bumigay.


Batay sa death certificate, “envenomation” o pagkalason mula sa kagat ng makamandag na hayop ang sanhi ng kamatayan.


Samantala, hinihinalang kinagat siya ng tinatawag ng mga residente na “hamimilay,” na iniuugnay sa king cobra, isa sa pinaka-nakamamatay na ahas sa kagubatan ng Kalabugao.


“Bigla na lang daw siyang hindi nakauwi. Dito na namin siya nakita,” ayon sa isang residente na tumangging magpakilala.

Lumabas din sa paunang ulat na may mga nauna nang insidente ng kagat ng ahas sa lugar, kabilang umano ang mga hayop, na hindi na lamang naireport sa opisyal na tala.


Iginiit ng mga lokal na awtoridad na maaaring nakaapekto ang pagbabago sa kapaligiran, tulad ng matinding init at mga proyekto sa imprastraktura, na posibleng nagpagalaw sa likas na tirahan ng mga ahas at naglapit sa kanila sa mga komunidad.


Nagpaalala ang mga opisyal sa mga residente ng liblib na lugar na maging mapagmatyag sa tuwing papasok sa kagubatan, dahil sa patuloy na banta ng hindi nakikitang panganib sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan.

Comments


bottom of page