top of page
4.png

MAYON, KANLAON, MAHIGPIT NA BINABANTAYAN; PRC, HIGH ALERT SA POSIBLENG ERUPTION

  • Writer: The LOStories Writing Team
    The LOStories Writing Team
  • May 2
  • 2 min read

Naglunsad ng high alert ang Philippine Red Cross (PRC) habang mahigpit na mino-monitor ang dalawang aktibong bulkan sa bansa na Mayon sa Albay at Kanlaon sa Negros Island, kasunod ng naitalang pagtaas ng aktibidad at banta ng pagsabog.



Sa Mayon, naobserbahan ang paglabas ng volcanic ash, lava, at pyroclastic density currents (PDCs) nitong Sabado, Mayo 2, kasabay ng pag-abot ng lava flow sa humigit-kumulang 3.8 kilometro sa mga dalisdis ng bulkan.


Ayon sa PRC, nasaksihan ang pagdaloy ng mainit na ash, volcanic debris, at gas bandang alas-6:00 ng gabi sa Mi-isi Gully sa timog-kanlurang bahagi ng bulkan.


Unang naitala ang lava collapse bandang 4:28 ng hapon na nagdulot ng rockfall at ashfall sa mga kalapit na barangay na sinundan ng minor Strombolian eruption bandang 4:50 ng hapon na nagpakawala ng incandescent volcanic material mula sa summit crater.


Ayon sa PHIVOLCS, indikasyon ito ng magma ascent o pag-akyat ng tunaw na bato sa loob ng bulkan, na maaaring humantong sa mas malalakas na phreatic o magmatic eruption kung magpapatuloy ang pressure buildup.


Samantala, sa Kanlaon, nananatiling mahigpit ang monitoring matapos ang mga naunang eruptive episodes nito, kung saan nakataas ang alert level dahil sa posibilidad ng sudden ash emission at phreatic explosions na maaaring makaapekto sa mga komunidad sa Negros Island.


Sa kabila ng sabay na aktibidad ng dalawang bulkan, wala naitalang casualty o injury, pero nananatiling nakaantabay ang mga residente sa Albay at Negros sa posibleng preventive evacuation mula sa permanent danger zones.


Nakapuwesto rin ang RC143 volunteers sa Camalig, Guinobatan, Legazpi City, at Daraga para sa real-time field monitoring ng Mayon, habang nakaantabay ang disaster response units sa Negros para sa Kanlaon surveillance at inter-agency coordination.


Pinayuhan naman ang publiko na umiwas sa permanent danger zones, iwasan ang river channels at gullies na maaaring daanan ng lahar at pyroclastic flows, manatili sa loob ng bahay sa oras ng ashfall, at gumamit ng protective masks upang maiwasan ang ash inhalation.


Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang dalawang bulkan habang nananatiling mataas ang antas ng kahandaan sa Bicol at Negros dahil sa patuloy na volcanic unrest.


Comments


bottom of page