top of page

MMDA, NAGLABAS NG SHOW CAUSE ORDER KAY GABRIEL GO; ROAD-CLEARING DUTIES, PINATIGIL MUNA

  • Writer: Arvin Enriquez
    Arvin Enriquez
  • Jul 16
  • 2 min read

Pansamantalang sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) si Gabriel Go, pinuno ng Special Operations Group–Task Force for Road Clearing, mula sa pagsali sa mga road-clearing operations habang iniimbestigahan ang kanyang naging asal sa viral na insidente na kinasangkutan ng isang gurong nahuling nagmomotorsiklo nang walang helmet.



Nilinaw ng MMDA na ang hakbang ay preventive administrative measure lamang at hindi nangangahulugang natanggal na si Go sa kanyang posisyon. Habang isinasagawa ang imbestigasyon, inatasan din siyang magsumite ng written explanation sa pamamagitan ng isang show cause order upang maipaliwanag ang kanyang panig.


Naging usap-usapan ang insidente matapos i-upload ni Go sa kanyang social media account ang video ng panghuhuli sa isang lalaking guro na lumabag sa Helmet Law. Sa video, tinanong ni Go ang guro kung paano ito magiging mabuting halimbawa sa kanyang mga estudyante kung siya mismo ay lumalabag sa batas-trapiko. Humingi ng paumanhin ang guro at tinanggap ang kaukulang multa.


Gayunman, bago matapos ang insidente ay nakiusap ang guro na huwag siyang i-video o i-post sa social media. Sinabi ni Go na iba-blur naman ang mukha nito at pinayuhan itong huwag nang ipakilalang isa siyang guro. Sa kabila nito, umani ng batikos ang video matapos itong kumalat online, kung saan maraming netizens at ilang organisasyon ang nagsabing tila napahiya ang motorista sa publiko.


Kinumpirma ng MMDA na nakatanggap ito ng mga liham mula sa iba't ibang grupo kaugnay ng insidente. Kabilang sa mga nanawagan ng aksyon ang ACT Teachers Party-list, na humiling na alisin si Go sa kanyang tungkulin dahil sa pag-upload umano ng enforcement activities sa kanyang personal social media account.


Samantala, iginiit ng Teachers' Dignity Coalition na bagama't dapat managot ang mga gurong lumalabag sa batas-trapiko, nararapat pa ring isagawa ng mga enforcer ang kanilang trabaho nang may propesyonalismo, paggalang, at pagpapahalaga sa dignidad ng bawat tao.


Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng MMDA upang matukoy kung may pananagutang administratibo si Go. Hanggang sa mailabas ang resulta ng imbestigasyon, mananatili muna siyang hindi lalahok sa mga road-clearing operations.

Comments


bottom of page