P15.6-M SHABU, BARIL NASABAT SA DAVAO BUY-BUST
- Arvin Enriquez

- May 16
- 1 min read
Mahigit P15.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu at isang baril ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang buy-bust operation sa Davao City noong gabi ng Mayo 14.

Arestado sa operasyon ang isang 22-anyos na lalaki na kinilalang alyas “Bai” sa Barangay Bago Gallera, Davao City.
Ayon sa PNP, umabot sa tinatayang 2.3 kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa suspek, na may standard drug price na nasa P15.64 milyon. Narekober din ng mga awtoridad ang isang kalibre .357 revolver na may lamang bala.
Sinabi ng pulisya na napigilan ng operasyon ang posibleng distribusyon ng ilegal na droga sa mga komunidad sa lungsod at ipinakita rin nito ang pinaigting na koordinasyon ng iba’t ibang anti-drug enforcement units laban sa narcotics operations.
Pinuri naman ni Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang operating units sa mabilis na pagkilos laban sa umano’y drug distribution activities.
“Patuloy ang ating kampanya laban sa illegal drugs. Hindi tayo titigil hangga’t may mga ganitong banta sa ating komunidad,” ani Nartatez.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.



Comments