top of page

PAMBANSANG UTANG, PATULOY NA LUMALAKI; UMABOT SA ₱19.07 TRILYON

  • Writer: Arvin Enriquez
    Arvin Enriquez
  • 1 day ago
  • 2 min read

Umabot na sa ₱19.07 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng Hunyo 2026, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr), matapos madagdagan ng ₱518.98 bilyon o 2.8 porsiyento mula sa ₱18.55 trilyon na naitala noong Mayo.



Ayon sa BTr, pangunahing dahilan ng pagtaas ng utang ang patuloy na pangungutang ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa upang pondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura at iba pang programang pangkaunlaran.


Sa kabila ng pagtaas ng utang, bahagyang nabawasan ang epekto nito dahil sa paglakas ng piso laban sa dolyar. Mula ₱61.501 kada US dollar noong Mayo, umangat ang halaga ng piso sa ₱61.290 kada dolyar pagsapit ng Hunyo.


Nanatiling mas nakatuon ang pamahalaan sa lokal na pangungutang upang mabawasan ang panganib dulot ng pagbabago sa foreign exchange. Dahil dito, 67.33 porsiyento ng kabuuang utang ay mula sa mga lokal na pinagkukunan, habang 32.67 porsiyento naman ang mula sa mga dayuhang pautang.


Ang domestic debt ay umakyat sa ₱12.84 trilyon, bunsod ng paglalabas ng pamahalaan ng mga government securities na nagkakahalaga ng ₱342.93 bilyon.


Samantala, tumaas din ang foreign debt sa ₱6.23 trilyon, matapos magkaroon ng ₱223.11 bilyon na bagong utang mula sa ibang bansa. Gayunman, nabawasan ng ₱46.46 bilyon ang halaga nito dahil sa paborableng galaw ng palitan ng piso at dolyar.


Sa kabilang banda, bumaba naman ng 31.21 porsiyento ang guaranteed obligations ng pamahalaan sa ₱305.07 bilyon, kasunod ng pagbabayad sa ilang lokal at dayuhang garantisadong obligasyon.


Noong maupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022, minana ng kanyang administrasyon ang ₱12.79 trilyong pambansang utang mula sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang halagang ito ay higit doble sa ₱5.95 trilyon na naipasa naman mula sa administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.


Iginiit ng mga economic managers ng pamahalaan na nananatiling manageable ang antas ng utang hangga't mas mabilis ang paglago ng ekonomiya kaysa sa paglaki ng utang. Gayunpaman, patuloy na binabantayan ng mga ekonomista ang pagbagal ng economic growth sa nakalipas na mga taon, kasabay ng pagbaba ng paggasta ng gobyerno, pandaigdigang hamon sa ekonomiya, at iba pang isyung may epekto sa fiscal performance ng bansa.

Comments


bottom of page