top of page
4.png

PDP, NAGBANTA SA MGA KONGRESISTA'T MABABATAS

  • Writer: The LOStories Writing Team
    The LOStories Writing Team
  • May 11
  • 2 min read

Updated: May 15

Nagbabala ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na hindi nito papayagang makalipat o makatakbo sa ilalim ng kanilang partido ang sinumang mambabatas na boboto pabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng paglalabas ng isyu ng umano’y alok na pera kapalit ng boto sa Kamara.



Sa hiwalay na pahayag, isiniwalat ni Senador Imee Marcos na may mga kongresista umanong inalukan ng tig-P5 milyon upang makumbinsi na bumoto pabor sa impeachment ni Duterte. Gayunman, hindi nagbigay ng karagdagang detalye ang senador kung sino ang umano’y nasa likod ng naturang alok o kung paano ito naisagawa.


Dahil dito, mas lalo pang umiigting ang kontrobersiya sa impeachment proceedings na kasalukuyang tinatalakay sa Kamara, kung saan hati ang mga mambabatas sa suporta at pagtutol sa mga reklamong inihain laban sa Bise Presidente.


Ayon sa PDP, ang impeachment ay isang “politically driven” na hakbang at tinawag itong “calculated political maneuver aimed at 2028 and beyond,” sa gitna ng mga alegasyon ng umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds ni Duterte.


Giit pa ng partido, hindi maaaring umasa ng “political refuge” sa PDP ang sinumang boboto pabor sa impeachment, at maaari silang i-blacklist sa partido at tapatan ng kandidato sa susunod na halalan.


“They will not be allowed to cross over to the party. They will be blacklisted from running under the PDP banner,” ayon sa PDP.

Dagdag pa ng partido, ang kanilang paninindigan ay bahagi ng “political accountability” at karapatan ng isang partido na protektahan ang kanilang prinsipyo at hanay.


Samantala, nananatiling isinasagawa sa Kamara ang pagtalakay sa impeachment complaints laban kay Vice President Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo at iba pang alegasyon.


Wala pang opisyal na tugon ang kampo ng Bise Presidente at ng mga pangunahing nag-aakusa kaugnay ng paratang ni Sen. Marcos at ng babala ng PDP.

Comments


bottom of page