top of page
4.png

PULIS, NASAWI SA ANTI-DRUG OPERATION SA NEGROS OCCIDENTAL

  • Writer: Curt Villanueva
    Curt Villanueva
  • May 13
  • 2 min read

Updated: May 15

Nasawi ang isang police non-commissioned officer matapos pagtatagain habang nagsasagawa ng anti-illegal drug operation ang mga tauhan ng La Castellana Municipal Police Station sa Barangay Talaptap, La Castellana, Negros Occidental noong gabi ng Mayo 11.



Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagsasagawa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Team laban sa isang 41-anyos na street-level drug suspect nang bigla umano itong manlaban at umatake sa mga operatiba gamit ang patalim habang isinasagawa ang pag-aresto.


Sa gitna ng komprontasyon, umano’y nakisali rin sa pag-atake ang 68-anyos na ina ng suspek at sinaksak ang mga pulis na rumesponde sa operasyon.


Nagpahayag naman ng matinding pakikiramay ang PNP sa pamilya ng nasawing opisyal at kinilala ang kaniyang kabayanihan at sakripisyo sa pagtupad ng tungkulin.


Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinapakita ng insidenteng ito ang matinding panganib na kinakaharap ng mga pulis sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad.


“Hindi matitinag ang PNP sa pagtupad ng aming tungkulin laban sa ilegal na droga at karahasan. Sisiguraduhin naming makakamit ang hustisya para sa ating nasawing kapulisan,” ani Nartatez.

Dalawa pang pulis ang nasugatan sa insidente - isang deputy police officer na nagtamo ng maraming saksak at kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Bacolod City, at isa pang operatiba na nagtamo ng minor injuries.


Sugatan din ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang ginagamot sa isang lokal na pagamutan. Nasa kustodiya rin ang kaniyang ina habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa laban sa kanila.


Narekober sa operasyon ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na ₱47,600, buy-bust money, drug paraphernalia, at mga patalim na pinaniniwalaang ginamit sa pag-atake.


Binigyang-diin ni Nartatez na mananatiling matatag ang PNP sa pagsugpo sa ilegal na droga at krimen sa kabila ng mga panganib na kaakibat nito.

Comments


bottom of page