SUV DRIVER NA SANGKOT SA SLEX HIT-AND-RUN, SUMUKO NA
- Arvin Enriquez
- Jun 10
- 1 min read
MANILA, Philippines — Nasa kustodiya na ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang driver ng SUV na sangkot sa hit-and-run incident na ikinasugat ng isang HPG personnel sa South Luzon Expressway (SLEX).

Kinumpirma ni HPG Director PBGen. Romel Batangan na kusang sumuko noong Lunes ang 21-anyos na Indian-Filipino national na minamaneho umano ang SUV na sangkot sa insidente.
Ayon kay Batangan, bago sumuko ang suspek ay natunton muna ng mga awtoridad ang sasakyang ginamit nito sa Antipolo City. Napag-alaman na ipinapagawa na umano ang SUV nang matagpuan ito ng mga imbestigador.
Sa pahayag ng suspek sa mga awtoridad, sinabi nitong nataranta siya matapos ang insidente kaya umalis siya sa lugar sa halip na tulungan ang nabanggang pulis.
Iginiit din ng driver na hindi niya sinadyang mabangga ang HPG rider. Aniya, nagsasagawa lamang siya ng pag-overtake nang mangyari ang aksidente.
Patuloy namang iniimbestigahan ng HPG ang insidente upang matukoy ang kabuuang pananagutan ng suspek at ang mga kasong maaaring isampa laban dito.
Nag-viral sa social media ang video ng insidente kung saan makikitang nabangga ng SUV ang HPG motorcycle rider bago ito umalis sa pinangyarihan nang hindi humihinto.






Comments