top of page

TRAHEDYA SA ISABELA! 3 BATA AT ISANG LOLA, NASAWI SA PAGSABOG

Writer: Arvin Enriquez
Arvin Enriquez
Oct 5
2 min read

ROXAS, ISABELA — Trahedya ang sinapit ng isang komunidad sa Purok Raniag, Barangay Sinamar, Roxas, Isabela matapos masawi ang apat na katao, kabilang ang tatlong bata at isang 85-anyos na babae, nang sumabog ang isang hindi pa matukoy na bagay na napulot umano sa isang drainage canal.



Naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga nitong Oktubre 4.

Batay sa paunang imbestigasyon, naglalaro umano ang ilang bata sa lugar nang mapansin nila ang isang hindi pamilyar na bagay na nakita sa kanal.


Ayon sa isang saksi, pinukpok umano ng isa sa mga bata ang naturang bagay gamit ang bato bago ito biglang sumabog.


Sa lakas ng pagsabog, tatlong bata ang nasawi, habang nadamay din ang isang 85-anyos na babae na nagkataong dumaraan lamang sa lugar nang mangyari ang insidente.


Kabilang sa mga unang kinilalang nasawi sina John Mark M. Peralta, John Yohan J. Binuyat, at Emmanuel C. Disamito, ayon sa inilabas na impormasyon ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Sinamar.


Samantala, apat pang menor de edad ang nasugatan at agad na isinugod para mabigyan ng kaukulang lunas. Iniulat na nasa maayos nang kondisyon ang mga sugatan matapos makatanggap ng medical treatment.


Gayunman, hindi pa dapat kumpirmahin na granada o isang partikular na uri ng bomba ang bagay na sumabog. Patuloy pa ang isinasagawang post-blast investigation upang matukoy kung ano talaga ang naturang bagay, saan ito nagmula, at paano ito napunta sa drainage canal.


Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabuo ang buong pangyayari at matukoy ang pinagmulan ng bagay na nauwi sa isang malagim na trahedya.


Muling pinaaalalahanan ang publiko na huwag hawakan, galawin o subukang buksan ang anumang kahina-hinalang bagay, lalo na kung posibleng bahagi ito ng bala, pampasabog o iba pang mapanganib na kagamitan. Sa halip, agad itong iulat sa mga awtoridad upang maaksiyunan nang ligtas.


Patuloy na susubaybayan ang mga susunod na development sa insidente.

Comments


bottom of page