"WALANG CIVILIAN ACTIVITY SA TOBOSO CLASH"
- The LOStories Writing Team

- May 1
- 2 min read
Mariing pinabulaanan ng Buklod Kapayapaan Federation Inc. ang mga ulat na mga sibilyan ang 19 na nasawi sa engkwentro sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19, anila na pawang mga armadong rebelde ang mga ito batay sa isinagawang fact-finding mission.

Sa inilabas na ulat ng korporasyon, walang naitalang community immersion, research, o anumang aktibidad ng civil society sa Barangay Salamanca bago ang insidente, kaya’t hindi tumutugma sa mga naunang ulat na nagsasabing mga sibilyan ang mga nasawi.
“Walang indikasyon ng civil society activity sa lugar bago ang engkwentro, at malinaw sa aming imbestigasyon na armado ang mga nasangkot," ayon kay Arian Jane Ramos,
Dagdag pa niya, narekober pa umano sa lugar ang isang baril na iniwan ng mga rebeldeng nagsiatrasan.
Ipinakita rin ng grupo ang sinumpaang salaysay ng barangay kapitan ng Salamanca na nagsasaad na walang anumang koordinasyon o abiso mula sa kahit anong organisasyon para sa research o field exposure sa kanilang komunidad bago ang insidente.
“Wala kaming natanggap na kahit anong liham o paalala mula sa anumang grupo,” ayon sa affidavit.
Samantala, nananatiling hati ang mga ulat hinggil sa insidente., habang iginiit ng Philippine Army na pawang mga rebelde ang nasawi sa operasyon ng 79th Infantry Battalion, pahayag naman ng Communist Party of the Philippines na may ilang sibilyan umanong nadamay sa labanan.
Sa panayam ng fact-finding mission sa mga pamilya ng mga nasawi, mariin nilang itinanggi ang pagkakaugnay ng kanilang mahal sa buhay sa anumang armadong grupo.
“Magsasaka po siya, wala po siyang kinalaman sa gulo,” ayon sa isang kaanak ng biktima na humiling na huwag pangalanan.
Dahil sa magkakasalungat na pahayag, nanawagan ang Commission on Human Rights ng agarang, independiyente, at patas na imbestigasyon.
“Kailangan matukoy ang buong katotohanan at maprotektahan ang karapatan ng lahat ng apektadong komunidad,” ayon sa ahensya.
Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng Toboso, mahigit 600 residente ang lumikas dahil sa labanan, na pansamantalang inilikas sa mga paaralan sa kalapit na lugar.
Sa gitna ng magkakasalungat na ulat, nananatiling bukas ang tanong kung sino nga ba ang mga nasawi sa insidente, habang patuloy na hinihintay ang resulta ng masusing imbestigasyon.



Comments