11 PULIS SA PANGASINAN, PINATALSIK DAHIL SA JUETENG
- Ceana Mendoza

- Apr 30
- 1 min read
Sinibak sa puwesto ang 11 tauhan ng pulisya sa Pangasinan nitong Abril 27 dahil sa kanilang pagkakasangkot sa operasyon ng ilegal na sugal na jueteng sa iba't ibang bahagi ng lungsod.

Sa kumpirmasyon ni Philippine National Police Public Information Office Chief Brigadier General Randulf Tuaño, kabilang sa mga inalis sa pagkakaupo ang director ng Pangasinan Police Provincial Office at ang mga chief of police sa mga bayan kung saan napatunayang umiiral ang mga ilegal na sugal.
Tinanggal ang mga opisyal matapos ang raid na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagresulta sa pagkakaaresto ng mahigit 170 indibidwal sa mga lungsod ng San Carlos at Urdaneta, gayundin sa Rosales, Calasiao, at Manaoag.
Agad na inilipat ang mga nasabing opisyal sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Crame upang sumailalim sa kaukulang imbestigasyon at matukoy ang kanilang pananagutan sa ilalim ng command responsibility.
Ayon kay BGen. Tuaño, ang relief order ay dahil sa mga "lapses" o pagkukulang ng mga opisyal sa pagpapatupad ng batas laban sa pasugalan sa kani-kanilang nasasakupan.
Binigyang-diin ng pamunuan ng PNP na ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng gobyerno upang ayusin ang hanay ng kapulisan at tuluyang wakasan ang mga tagong operasyon ng jueteng sa buong rehiyon.



Comments