ALEX EALA, PASOK SA CANADIAN OPEN R16
- Arvin Enriquez
- 2 minutes ago
- 1 min read
Muling ipinakita ni Filipina tennis star Alex Eala ang kanyang tibay at determinasyon matapos niyang lampasan ang American player na si Caty McNally, 6-3, 5-7, 6-4, upang umabante sa Round of 16 ng 2026 Canadian Open.

Maayos ang naging simula ni Eala matapos niyang kunin ang unang set, 6-3. Ngunit naging mas mahirap ang laban sa ikalawang set nang magkaroon siya ng injury sa kanang paa o bukung-bukong matapos matumba sa court.
Sa kabila ng naramdamang sakit, nagpatuloy si Eala at nilabanan ang matinding paghahabol ni McNally. Nakuha ng American ang ikalawang set, 7-5, upang itabla ang laban at itulak ito sa deciding set.
Sa third set, muling ipinakita ni Eala ang kanyang composure at fighting spirit. Nakabawi siya mula sa pressure at tuluyang isinara ang laban sa 6-4.
Dahil sa panalo, nakamit ni Eala ang puwesto sa Round of 16 ng Canadian Open, habang nagpapatuloy ang kanyang winning streak sa North American hard-court swing. Ayon sa WTA, ito na ang kanyang ikapitong sunod na panalo.
Kasunod ng kanyang tagumpay sa Washington, kung saan niya nakuha ang kanyang unang WTA Tour singles title, patuloy na umaangat ang kampanya ni Eala sa Toronto.
Sa Round of 16, haharapin niya si Belinda Bencic ng Switzerland.
Muling pinatunayan ni Eala na hindi madaling matinag ang kanyang laro—kahit may sakit at matinding pressure, pinili niyang lumaban hanggang sa huling punto.
Mula sa injury scare hanggang sa malaking panalo, patuloy na ipinagmamalaki ni Eala ang Pilipinas sa pinakamataas na antas ng women's tennis.






Comments