top of page
4.png

"SUKLI KO, TULONG KO: BAYANIHAN SA GITNA NG KALSADA"

  • Writer: The LOStories Writing Team
    The LOStories Writing Team
  • Apr 15
  • 2 min read

Sa gitna ng araw-araw na pakikipagsapalaran ng mga tsuper sa lansangan, isang simpleng mensahe ang nagbigay-liwanag sa tunay na diwa ng malasakit at bayanihan.



“Maraming salamat sa mga naging pasahero ko ngayon… hindi na nila kinukuha ang sukli. Naiintindihan nila ang kalagayan naming mga driver.”

Sa unang tingin, tila maliit na bagay lamang ang hindi pagkuha ng sukli. Ngunit para sa mga tsuper na araw-araw humaharap sa tumataas na presyo ng krudo, mabigat na boundary, at limitadong kita, ang bawat pisong naiiwan ay malaking tulong.


Sa bawat pagsakay ng mga commuter sa pampasaherong jeep, makikita at mararamdaman nila ang hirap at bigat na dinadala ng mga jeepney driver. Sa mahal ng petrolyo, ang bawat sukli na hindi na kinukuha ng ilan ay kusang ibinibigay na lamang bilang dagdag sa pangkrudo. Isang simpleng paraan ng pakikiisa—isang tahimik na pagtulong sa gitna ng krisis.


Ngunit hindi rin ito madali para sa mga tsuper. May ilan sa kanila ang umaaming nasasaktan, dahil pakiramdam nila ay tila umaabot na sa puntong para silang namamalimos. Sa kabila nito, tinatanggap na lamang nila ang kusang-loob na dagdag pamasahe ng mga pasahero—hindi bilang limos, kundi bilang tulong upang maipagpatuloy ang biyahe at makaraos sa araw-araw.


Sa likod ng manibela, maraming tsuper ang bumibiyahe hindi para yumaman, kundi para lamang makaraos. Marami sa kanila ay boundary system—kailangang makabawi muna bago kumita. Kung minsan, kahit halos maghapon na sa kalsada, umaabot lamang sa mahigit tatlong daang piso ang naiuuwi sa kanilang pamilya. Isang halagang kailangang pagkasyahin sa pagkain, bayarin, at pangangailangan ng mga mahal sa buhay.


Sapat pa ba ito sa pang-araw-araw na buhay? Hanggang kailan nila kakayanin ang ganitong sistema?


Sa kabila ng lahat, may mga pasaherong pinipiling umunawa. At kung ikaw ay isa sa mga kusang loob na hindi na kumukuha ng sukli para makatulong—saludo ako sa’yo. Sa simpleng paraan, nagiging bahagi ka ng pag-asa sa bawat biyahe.


Sa panahong madalas nating marinig ang mga reklamo at hinaing, ang ganitong kwento ay paalala na may mga Pilipino pa ring handang umunawa at tumulong—kahit sa maliliit na paraan. Ngunit kasabay ng malasakit na ito, nananatiling tanong: hanggang kailan matatapos ang kalbaryong dinaranas ng sektor ng transportasyon?


Sa huli, ang biyahe sa kalsada ay hindi lang tungkol sa pagpunta sa destinasyon. Ito rin ay kwento ng ugnayan—ng driver at pasahero, ng hirap at pag-asa, at ng malasakit na patuloy na bumibiyahe sa puso ng bawat Pilipino.

Comments


bottom of page